AFP, tiniyak sa Senado ang kanilang kahandaan sakaling lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea

Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na handa ang pwersa ng Pilipinas sakaling magkabakbakan sa pagitan ng bansa at China sa West Philippine Sea.

Ito ay matapos tanungin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang AFP sa pagdinig ng Senado kung ano ang gagawing agarang aksyon sakaling mangyari ang pinakamalalang sitwasyon tulad ng shooting incident o armed attack sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay AFP Assistant Deputy Chief of Staff for Operations, J3 Capt. Peter Jempsun de Guzman, magiging handa ang Hukbong Sandatahan sa oras na lumala ang sitwasyon sa West Philippine Sea.


Katunayan aniya, naghahanda at inilalatag na ng AFP ang kinakailangang contingency plans sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of National Defense (DND) para sa lahat ng posibilidad o pwedeng mangyari lalo na sa patuloy na misyon sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Gamit ang lahat ng kapabilidad ay sinisiguro ni De Guzman sa Senado na handa ang buong AFP, Navy, Air Force, Army at Western Command sakaling sumapit o dumating ang panahon ng pinangangambahang gulo sa pagitan ng Pilipinas at China.

Nagpasalamat naman si Dela Rosa sa ibinigay na katiyakan ng AFP at sinabing kapag dumating ang oras na iyon ay tawagan lamang sila pati na ang ibang mga miyembro ng Senate Committee on National Defense na sina Senators Robin Padilla, Francis Tolentino, Jinggoy Estrada, at Risa Hontiveros at sila aniya ay magdadala ng armas, lalaban at sasamahan ang ating mga sundalo sa pakikipaglaban.

Samantala, kung si Senate President Juan Miguel Zubiri naman ang tatanungin, mas mainam kung gagamitin ang suporta ng mga kaibigan at kaalyado para palakasin ang claim ng bansa sa West Philippine Sea dahil kung tayo lamang mag-isa ay hindi natin ito kakayanin.

Nangako rin si Zubiri na dadagdagan ng Mataas na Kapulungan ang pondo ng AFP at PCG para sa susunod na taon.

Facebook Comments