BuCor Catapang, naglabas ng himutok sa Senado tungkol sa minanang problema sa ahensya

Inisa-isa ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gregorio Catapang Jr., ang mga minanang problema sa loob ng 50 taon sa New Bilibid Prison (NBP).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights tungkol sa ginawang pagtakas ng person deprived of liberty (PDL) na si Michael Cataroja, sinabi ni Catapang ang ilan sa mga problemang kinakaharap niya ngayon sa Bilibid kabilang dito ang kakulangan ng pasilidad, congestion ng PDLs sa mga kulungan, invalidated na mga tauhang itinalaga sa BuCor, at iligal na droga.

Ayon kay Catapang, 1973 pa ang huling kulungan na itinayo sa Bilibid na ipinagawa pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., kung saan ang kakasya lang dapat sa lahat ng mga detensyon ay aabot lang sa 12,000 pero sa kasalukuyan ay limang beses na ang itinaas sa bilang ng PDLs na aabot na sa 51,500 at inaasahan pang papalo na sa 52,000 ang inmates bago matapos ang buwan.


Bukod dito, sa naging 1,400 na mga tauhan ng BuCor, sasampu lang ang karapat dapat na BuCor personnel na validated ng Civil Service Commission dagdag pa rito ang walang ‘sense of duty’ at kanya-kanya na kultura sa loob ng ahensya.

Sa panahon aniya ni dating BuCor Chief Gerald Bantag, nagdala ito ng 70 tauhan mula sa BJMP papunta sa BuCor kung saan ang mga ranggo ay mga tenyente at kapitan at pina-promote sa Colonel at General.

Nag-iwan din aniya ang pinalitan na pamunuan ng P1 billion na hindi natapos na proyekto na pinagawang mga gusali sa Palawan, Davao at Leyte na tig P300 million.

Dagdag dito nakakumpiska rin sila ng 3,292 na mga kontrabando sa loob ng Bilibid tulad ng mga armas, granada, homemade shotguns, cellphones at electronic devices.

Napagsabihan naman ni Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Francis Tolentino si Catapang na trabaho naman nitong itama ang mga problema at hindi dapat ito patuloy na isisi sa nakaraang administrasyon.

Facebook Comments