May koordinasyon na ngayon ang Bureau of Customs (BOC) sa kanilang partner countries kung saan nanggagaling ang mga suplay ng produktong pang agrikultura tulad ng bigas.
Kabilang sa mga bansang ito ang Vietnam, Thailand, Cambodia, Myanmar at India.
Sinabi ni Bureau of Customs Spokesperson Atty. Vincent Philip Maronilla na ito ay para malaman kung gaano ba talaga karami ang suplay na pumapasok sa bansa.
Sa pamamagitan aniya ng maagang koordinasyon, malalaman kung sinong suppliers ang mga naisyuhan ng Department of Agriculture (DA) ng mga permit para makapagpasok ng bigas.
Ito aniya ay isang paraan lamang para mapigilan ang tangkang smuggling o pagpupuslit ng agricultural products papasok ng bansa.
Bukod dito, ayon sa opisyal na pinaigting din nila ang evaluation system para tama ang buwis na binabayaran ng mga importer ng mga agricultural product at hindi ito mai-classify na ibang klaseng produkto para lamang makapandaya sa bayaring buwis.
Samantala, sinabi ni Maronilla na sa ngayon, tuloy-tuloy ang paghahain nila ng mga kaso laban sa mga nauna na nilang mga nahuling smuggler at importers ng iba’t ibang produkto.
Umaabot na aniya sa 32 bilyong piso ang kabuuang halaga ng smuggled items na kanilang nakumpiska, isang record high para sa Bureau of Customs.