Aminado si Defense Secretary Gibo Teodoro, na malaki ang pagbabago ngayon mula nang maging Defense secretary rin siya sa panahon noon ng panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Bago sumalang si Teodoro sa makapangyarihang Commission on Appointments, ay iginiit nito na malaki ang pagbabago o pinag-iba sa kanyang pamamahala ngayon sa Department of National Defense (DND) kumpara noon na naging kalihim din siya ng ahensya.
Aniya, ibang-iba ang mga banta, hamon, misyon gayundin ang staffing organizations.
Paglilinaw ni Teodoro, wala namang madali kahit noon pero mas challenging lamang ngayon dahil mas malaki ang demand para sa mas maigting na inter-agency cooperation at sustainability ng mga programang inilalatag ng DND lalo na sa mga isyu na kinakaharap ng bansa.
Isa sa malaking isyu na nakaapekto aniya sa buong operasyon ng DND, Office of Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ay ang pagtaas ng presyo ng lahat pati na ang langis.
Bukod pa rito, sinabi pa ni Teodoro na dahil din sa nagbabagong sitwasyon at kilos ng ating katunggali sa West Philippine Sea (WPS) kaya kailangang i-leverage ang mga kaalyado natin para ipatupad ang rules at United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) sa rehiyon.