Pinatitiyak ni Senator Grace Poe, na hindi dapat makadiskaril sa implementasyon ng ating mga proyektong pangimprastraktura ang ginawang pag-withdraw o pagbawi ng Pilipinas sa official development assistance (ODA) sa China.
Kaugnay ito, sa pag-pull out ng administrasyong Marcos sa hiling na pinasyal ng bansa sa China para sa pagpapatayo ng ₱83 billion na Mindanao Railway Phase 1.
Sinabi ni Poe, Chairman ng Senate Committee on Public Services, na panahon na para maghanap ang Pilipinas ng ibang funding options sa ibang mga bansa, o kaya ay sa mga multi-lateral institutions at international agencies na kaya ring maghatid ng parehong serbisyo.
Iminungkahi rin ni Poe, na isa sa hakbang na maaari pang gawin ay i-tap ang pribadong sektor na siyang may hawak ng potensyal na infrastructure development at may kakayahang maghatid ng makabago at episyenteng serbisyo.
Tinukoy ni Poe na sa mga nakalipas na taon, ang mga Chinese banks na nangako na magpapahiram ng pondo sa atin ay laging binibitin ang bansa dahil nabibinbin ang mga loan applications, hindi umuusad ang mga ipinapatayong government projects at napakataas ng interes o tubo na ipinapataw na lalong nagpapabaon sa atin sa utang.