Nagbabala ang Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG)-National Capital Region laban sa sinumang gumagamit sa pangalan ng First Family o ng Malacañang sa mga maling pamamaraan tulad ng pangingikil at panggagantso.
Ang pahayag ng CIDG-NCR ay inilabas matapos malambat sa isang entrapment operation sa Pasay City ang isang pangunahing suspek at ang kanyang mga kasabwat dahil sa robbery-extortion gamit ang pangalan ni First Lady Liza Marcos.
Pinaalalahanan ni P/Lt. Col. Jose Joey Arandia ng CIDG-NCR ang publiko na mag-ingat sa mga taong gumagamit sa pangalan ng first lady dahil aniya’y walang katotohanan na nanghihingi ng pera sa kaninuman ang maybahay ng presidente.
Naglabas na rin ng pahayag ang Palasyo na hindi kailanman nakikialam ang first lady sa mga bagay na may kinalaman sa pamamahala at pananagutin sa batas ang sinumang gumagamit sa kanyang pangalan.
Napag-alaman na tinatakot ng grupo ang mga negosyante sa nasabing lungsod na ipapasara ang kanilang mga establisyemento kung hindi magbibigay ng pera.
Ipinagmamalaki rin ng mga nahuling suspek na konektado sila sa opisina ng first lady.
Nabatid na isang nagrereklamong negosyante ang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad para ikasa ang operasyon kung saan matapos iabot ang marked money sa lider ng grupo ay inaresto ito.
Lumalabas na nanghihingi ang grupo ng halagang limang milyong piso sa hindi na pinangalanang negosyante.