Isang warehouse na umano’y nagtatago ng sako-sakong puslit na bigas at ibang agricultural products, ni-raid ng DA sa QC

Sako-sakong bigas at sari-saring smuggled na agricultural products ang kinumpiska ng Department of Agriculture (DA) sa isinagawang joint anti-smuggling operation sa isang warehouse sa Zorra Street, Barangay Paltok, Quezon city.

Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng sumbong ang DA sa mga puslit na bigas na aabot sa 1,900 na sako at nagkakahalaga ng limang milyong piso na nakatago sa loob ng Edward and Edit Merchandizing.

Katuwang sa operasyon ang mga tauhan ng Bureau of Plant and Industry, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ang Business Permits and Licensing Department ng Quezon city.


Ayon kay Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr., bukod sa bigas, nasamsam din ang aabot sa 10,700 kilograms ng imported sugar; 840 kilograms ng frozen pangasius fillet; at 572 kilograms ng frozen meat.

Binigyang diin ng kalihim, na ang mga nasabat na kontrabando ay walang kaukulang permit kung kaya’t inisyuhan na ng notice of violation ang Edward and Edit Merchandizing dahil sa pag-operate ng unregistered line of business.

Sa ngayon, inihahanda na ng DA ang kasong isasampa sa may-ari ng naturang bodega kabilang na dito ang paglabag sa RA 10845 o ang anti-agriculture smuggling act of 2016 at ang RA 10611 o ang food safety act of 2013.

Hinihikayat naman ni Assistant Secretary for Inspectorate and Enforcement James Layug ang publiko, na maging alerto at isumbong ang mga kahina-hinalang aktibidad na banta sa food security campaign ng pamahalaan.

Facebook Comments