Hindi kuntento ang mga kongresistang kabilang sa Makabayan Bloc sa apat na taong kulong na hatol ng Navotas City Regional Trial Court Branch 286 laban mga dating pulis-Navotas na akusado sa pagpatay sa 17-anyos na sa Jemboy Baltazar.
Katulad ng pamilya Baltazar ay dismayado rin si ACT Teachers Party-list Representative France Castro sa pasya ng korte kaakibat ang pagkabahala sa pagkawala ng pananagutan ng mga pulis at iba pang law enforcement personnel na may mga kaso o madadawit sa krimen.
Sabi naman ni Kabataan Representative Raoul Manuel, parang tapik lang ang nakuha ng ilang mamatay-taong pulis habang ang isa ay nakalusot pa dahil walang parusang natanggap.
Para naman kay Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas, ang naturang hatol ng korte ay nagpapakita ng matinding depekto sa sistema ng hustisya sa Pilipinas kung saan nagiging bisyo na ang pag-abuso at karahasan laban sa mga inosenteng mamamayan.
Nangangamba rin si Brosas na maghatid ito ng takot sa mamamayan at sa bawat komunidad dahil lumalabas na maaaring kumilos ang mga pulis nang walang katapat na parusa.