Pamahalaan, hinikayat ng isang senador na gawin ang lahat ng paraan para mailigtas ang mga Pinoy sa Israel at sa Gaza strip

Hinimok ni Senator Mark Villar, ang pamahalaan na gawin pa rin ang lahat ng paraan para sa kaligtasan ng mga Pilipinong apektado ng gyera sa Israel at sa Gaza strip.

Sa kabila kasi ng pagtataas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 sa Israel at Gaza strip, dahil sa tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel government forces at Hamas group, sinabi ng DFA na ang ‘mandatory evacuation’ ay hindi maisasakatuparan dahil walang daan papasok at palabas ng Gaza dahil sa lumalalang pag-atake sa lugar at hindi naman pipigilan ang mga Pilipino doon na lumikas.

Ayon kay Villar, kahit pa mahihirapang makapasok o labas sa Gaza ay dapat pa ring i-prayoridad ng ating gobyerno ang pagsaklolo sa mga kababayang humihingi ng tulong.


Hirit ng senador, huwag pabayaan ang ating mga kababayan sa Israel at Gaza at gawin ang lahat ng diplomatikong paraan na matulungan ang mga Pilipino oras na magkaroon ng pagkakataon.

Dahil tatlong mga Pinoy ang kumpirmadong nasawi sa giyera, hinihimok ni Villar ang pamahalaan na gawin ang lahat ng magagawa para mahanap ang mga nawawalang Pilipino, ligtas na ma-repatriate ang mga kababayang apektado, at mapalaya ang mga Pilipinong kasama sa mga dinukot at nakakulong ngayon sa bahaging kontrolado ng Hamas.

Nanawagan din ang senador sa mga Pilipino na nasa Gaza strip na unahin ang kanilang kaligtasan at umalis na sa lugar dahil gagawin naman ng gobyerno ang lahat para ligtas silang maialis sa lugar.

Facebook Comments