Mariing kinukondena ng liderato ng Senado, ang panibago na namang insidente ng pagharang at pagbangga ng mga Chinese vessels sa mga barko ng Pilipinas habang nasa gitna ng resupply mission para sa ating mga sundalo sa BRP Sierra Madre sa West Philippine Sea (WPS).
Kahapon ay na-i-report ng National Task Force for West Philippine Sea (NTF-WPS), ang mapanganib na pagmamaniobra ng China Coast Guard (CCG) na nagresulta sa pagbangga sa contracted resupply boat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang isa pang insidente rin ng pagbangga ng Chinese militia vessel sa patrol vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) sa bahagi ng Ayungin Shoal.
Kinukundena ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ang nakakagalit na pinakahuling aksyon ng CCG at Chinese maritime militia dahil inilagay nito sa panganib ang buhay ng ating mga sundalo at Coast Guard na nagsasagawa lang ng routine resupply mission.
Kinalampag ng senador ang China Coast Guard, na igalang ang buhay ng mga tao at sumunod sa desisyon ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at iba pang international laws na sumasaklaw sa ligtas na paglalayag sa karagatan.
Iginiit pa ni Zubiri, na kilalanin at panindigan ang freedom of navigation sa ating exclusive economic zone (EEZ) sa loob ng ating continental shelf.
Muli ring tiniyak ni Zubiri, ang pagsusulong na itaas ang pondo ng PCG at AFP upang mabigyan ang mga ito ng kinakailangang kagamitan at maitaas ang kapasidad ng bansa sa pagbabantay sa ating EEZ mula sa iligal na panghihimasok ng mga dayuhan sa ating teritoryo.