PBBM, biyaheng Jakarta, Indonesia sa susunod na linggo

Patungong Jakarta, Indonesia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa susunod na linggo partikular mula September 5 hanggang Sept. 7, 2023 para sa 43rd ASEAN Summit and Related Summits.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Office for Asean Affairs Assistant Secretary Daniel Espiritu na ang pagdalo ng pangulo sa event ay pagpapaunlak sa imbitasyon ni Indonesian President Joko Widodo na tumatayong chairman ng ASEAN Summit ngayong taon.

Sinabi pa ng opisyal, ang 43rd ASEAN Summit ay magsisilbing venue para maituloy ang pag-uusapan sa 32nd Asean Summit na ginawa nitong nagdaang Mayo ng taon sa Labuan Bajo, Indonesia.


Sa dadaluhan namang aktibidad sa Jakarta sa susunod na linggo, 13 mga pulong aniya ang nakatakdang daluhan nito sa loob ng panahon ng summit, 12 sa mga ito ay summit sessions kasama ang lider ng iba’t ibang mga bansa.

May hiwalay ring bilateral meetings ang pangulo sa limang ASEAN leaders kasama ang South Korea, Vietnam at Timor Leste sa sidelines ng ASEAN summit.

Makikiisa rin ang pangulo sa gagawing pulong ng ASEAN Business Advisory Council at iba pang dialogue partners at mga international businessmen na nagpa planong palawakin ang kanilang negosyo rito sa Pilipinas.

Facebook Comments