Inimbitahan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bumisita sa Canada sa susunod na taon kasabay ng selebrasyon ng ika-75 taong diplomatic relations ng Pilipinas at Canada.
Sa ulat ng Presidential Communications Office, ang imbitasyon ay ginawa ni Prime Minister Trudeau matapos ang kanilang bilateral meeting ni Pangulong Marcos na sidelines ng 43rd ASEAN Summit and Related Summits kung saan napag-usapan ng dalawa ang koneksyon o magandang ugnayan ng Canada at Pilipinas.
Sa panig naman ni Pangulong Marcos sinabi nitong natutuwa siyang makita muli ang Canadian leader sa susunod na pagkakataon para mas matalakay ang mahahalagang usapin.
Ayon sa pangulo, ang Canada ay pangarap puntahan nang maraming mga Pilipino para magtrabaho, marami na rin aniyang pamilya Pilipino ang matagal nang nakatira sa Canada, sa kabila nito patuloy ang maayos na pagtanggap at nagmamalasakit ang Canadian society sa mga Pilipino sa Canada.
Ang bilateral meeting ay naging isang magandang oportunidad din sa Pilipinas sa paghikayat sa Canada na makipagkalakalan at mamumuhunan sa Pilipinas.
Samantala, nanatili naman ang suporta ng Canada sa Pilipinas sa usapin sa West Philippine Sea (WPS).
Ang bilateral meeting ni Pangulong Marcos at Prime Minister Tradeau ay pangatlong bilateral meeting na simula nang maupo sa pwesto si Pangulong Marcos.