Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na handa silang makipagtulungan sa imbestigasyong ikinakasa ng National Bureau of Investigation (NBI).
Hinggil ito sa ibinunyag ni Sen. Risa Hontiveros kaugnay ng umano’y kulto sa bayan ng Socorro, Surigao del Norte.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., handa silang makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) upang makakalap ng ebidensya laban kay Jey Rence “Senior Agila” Quilario ang umano’y messiah ng kultong Socorro Bayanihan Services, Inc. o Omega de Salonera.
Ani Acorda, nakausap na niya ang police provincial office at ang hepe ng bayan ng Socorro para makakuha ng mga ebidensya.
Base sa paunang impormasyon, mayroon umanong 3,650 kasapi ang kulto kung saan 1,587 dito ay pawang mga menor de edad na biktima ng rape, sexual violence, child abuse at forced marriage.
Una nang tiniyak ni Acorda na handa ang PNP na ipatupad ang batas dahil iisa lamang ang Pilipinas at lahat ng Pilipino ay nasasaklawan ng ating iisang batas makaraang makatanggap ng impormasyon na may sariling gobyerno ang nasabing kulto.