Rekomendasyon na tuluyang i-ban ang mga POGO sa bansa, kinakitaan ng sapat na basehan ng mga senador

Kinakitaan ng sapat na batayan o merito ng mga senador ang rekomendasyon na tuluyang i-ban ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Kaugnay ito sa inilabas na committee report ng Senate Committee on Ways and Means kung saan sampung mga senador ang lumagda at sumang-ayon na tuluyang palayasin sa Pilipinas ang mga POGO dahil sa ito’y nagiging matinding sakit na ng ulo ng gobyerno at ng buong bansa.

Sa committee report 136 ng ginawang imbestigasyon ng komite patungkol sa pakinabang at perwisyong dulot ng POGO sa bansa, inirerekomenda ang ‘gradual phase-out’ o unti-unting pagpapaalis ng mga POGO sa bansa sa loob ng tatlong buwan.


Ayon kay Senate Committee on Ways and Means Chairman Sherwin Gatchalian, nakitaan ng trend ang criminal activities na may kinalaman sa POGO mula sa mga scam at iba’t ibang paraan ng panloloko hanggang sa human trafficking.

Sinabi ni Gatchalian na nagiging front ang POGO ng scams at iba pang iligal na gawain na nauuso ngayon sa bansa.

Aniya, iisa lang ang impormasyon na nakikita na hangga’t naririto ang mga POGO sa bansa ay mayroong mga scam at hanggang mayroong scam ay hindi mawawala ang mga kaso ng human trafficking.

Nakadagdag pa sa mga dahilan para lalong makumbinsi ang mga senador na i-ban ang POGO sa bansa ay ang magkakasunod na pagdinig na ginawa sa Senado patungkol sa paggamit ng ID sa SIM registration at ang mga naungkat na iba’t ibang uri ng scam na lahat ay konektado sa POGO.

Target ni Gatchalian na maisalang sa plenaryo sa susunod na linggo ang committee report ng ginawang imbestigasyon sa POGO.

Inaasahang pagdedebatehan dito ang ‘time frame’ o gaano katagal bago tuluyang mapaalis ng bansa ang mga POGO lalo’t kailangan ding ikonsidera ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho, pagpapatigil ng POGO operations na salig dapat sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at local government unit (LGU) rules and regulations, ang lease contract sa commercial at residential buildings, kanselasyon ng mga working visa at deportation ng mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO.

Facebook Comments