13th month pay, hindi dapat maipit kahit may pandemya

Pinalagan ng mga Senador ang pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaari nitong payagan ang mga distressed employers na apektado ng pandemya na hindi muna magbigay ng 13th month pay.

Giit ni Senator Koko Pimentel, hindi dapat maipit o maantala ang pagkakaloob ng 13th month pay dahil sa ilalim ng batas na ito ay kasama sa sweldo.

Diin pa ni Pimentel, mas distressed o problemado ang mga empleyado kaya hindi dapat maisakripisyo ang kanilang kapakanan.


Paliwanag naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, na dating labor secretary, sa ilalim ng batas ay walang pinapahintulutan na exemption sa pagbibigay ng 13th month pay.

Binatikos naman ni Senator Risa Hontiveros ang nabanggit na pahayag ng DOLE sa katwirang magiging dagdag pasanin sa mga manggagawa at kanilang pamilya kung wala ang inaasahang 13th month pay ngayong kapaskuhan.

Mungkahi ni Hontiveros sa gobyerno, tulungang isalba ang mga kumpanyang ‘distressed’ at humaharap sa krisis habang inaalagaan at sinusuportahan ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng subsidy at cash assistance at pagtiyak sa pagtanggap ng kanilang mga benepisyo.

Facebook Comments