13th month pay ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor, ipinalilibre sa buwis

Ipinalilibre ng isang senador mula sa buwis ang 13th month pay ng lahat ng mga manggagawa sa gobyerno at pribadong sektor.

Sa Senate Bill 111 na inihain ni Senator Nancy Binay ay pinaaamyendahan dito ang National Internal Revenue Code at ipinapasok ang probisyon na nagsasaad na hindi na isasama sa computation ng taxable income o kita na pinapatawan ng buwis ang 13th month pay.

Sinabi ng senadora na malaking tulong ito sa mga manggagawa lalo na pandagdag sa mga gastusin tulad sa pagkain at edukasyon ng mga anak.


Hinihiling ni Binay na maikunsidera ito ng pamahalaan ngayong mayroon pa ring pandemya at patuloy rin ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Paalala pa ni Binay na nakasaad sa konstitusyon ang palaging pagsusulong sa mga polisiya na magpapalaya mula sa kahirapan at magtataas sa antas ng kalidad ng pamumuhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments