Makukuha na ng mga Social Security System o SSS pensioner ang kanilang 13th month pay simula sa December 1.
Sa programang Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni SSS Deputy Spokesperson Atty. Marissa Mapalo na by batch ang gagawing pamimigay ng 13th month.
Unang ibibigay aniya ay ang 13th month pay sa December 1 ay para sa mga pensioner na mga may date of contingency na December 1 to 15.
Ikalawang batch aniya ay sa December 4 para sa mga pensioner na may date of contingency na December 16 to 31.
Sinabi ng opisyal pinakamababang halaga na matatanggap na 13th month ng pensioners ay dalawang libong piso habang ang pinakamataas ay ₱19,600.
Lahat aniya ng pensioners ay awtomatikong makatatanggap ng 13th month pay.
Sabi pa ni Mapalo sistematiko na ang pagpapalabas nila ng 13th month pay o kasabay na rin ito sa december pension ng mga pensioners.
Kung may mga pensioner man aniya na hindi makatanggap ng kanilang 13th month pay, posible aniyang sa bangko nagkaroon ng problema.
Maaari aniyang dumulog ang mga ito sa tanggapan ng SSS o mag email na lamang upang matulungan silang matukoy ang problema kung sakali.