13th month pay subsidy, limitado lamang sa micro at small companies ayon sa DOLE

Maaaring i-subsidize ng pamahalaan sa pagbibigay ng 13th month pay ang mga ‘distressed’ employers o kumpanya na pasok sa kategoryang micro at small enterprises.

Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, ang mga employer na mag-a-apply para sa government subsidy ay kailangang patunayan na sila ay micro o small business establishment.

Dapat aniya may pruweba ang mga kompanya na nalugi sila at hindi nila kayang magbigay ng 13th month pay.


Naniniwala ang kalihim na kakayanin ng medium enterprises na magbigay ng 13th month pay kaya hindi na nila kailangang mag-apply pa para sa subsidy.

Sakaling kapusin ang pamahalaan sa pondo para sa subsidy ng 13th month pay, hihikayatin na nito ang employers na humiram sa state-owned banks tulad ng Landbank at Development Bank of the Philippines.

Sa Pilipinas, ikinokonsiderang ‘micro’ ang isang negosyo kung mayroong itong asset size na aabot lamang sa ₱3 million at mayroong isa hanggang siyam na empleyado.

Para naman ituring na ‘small’ ang negosyo, ang asset size nito ay kailangang nasa pagitan ng ₱3,000,001 hanggang ₱15 million na mayroong 10 hanggang 99 na manggagawa.

Ang ‘medium’ business naman ay aabot sa ₱15,000,001 hanggang ₱100 million ang asset size na may 100 hanggang 199 empleyado.

Facebook Comments