Aabot sa 14.89 million na late registration ng kapanganakan ang nadiskubre ng Philippine Statistics Authority (PSA) mula 2010 hanggang ngayong 2024.
Sa budget deliberation sa plenaryo, inusisa ni Senator Risa Hontiveros kung nakapagsagawa ang PSA ng audit matapos madiskubre ang pagpaparehistro ng late ng mga dayuhan para lang makakuha ng authentic na birth certificate tulad ng ginawa ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Ayon kay Finance Committee Chairperson Grace Poe, sumailalim sa audit ng PSA ang 50,532 na late birth certificate registration na .34 percent lang ng naturang bilang.
Mayroon namang 1,627 na birth certificates na nakuha ng foreign nationals ang na-block at nakaendorso na sa Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA) at sa National Bureau of Investigation (NBI).
18 naman sa mga ito kasama ang birth certificate ni Guo ang nakaendorso na sa Office of the Solicitor General para sa kanselasyon.
Tiniyak pa ng PSA sa pamamagitan ni Poe na naghigpit na sila sa patakaran ukol sa late birth registration.