Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya.
TALESH COUNTY, IRAN – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 14-anyos na dalagita sa kamay mismo ng sariling ama. Ang biktima kasi, pinugutan ng salarin matapos daw makipagtanan sa 35-anyos na nobyo.
Sa ulat ng BBC, sinabing nagdulot ng kaguluhan at kaliwa’t kanang protesta sa naturang bansa ang kamatayan ni Romina Ashrafi, dahilan upang arestuhin ng pulisya ang suspek na kinilalang si Reza Ashrafi.
Gamit daw ang isang karit, pinutol ng akusado ang ulo ng dalagita habang natutulog sa kaniyang kuwarto noong Mayo 24.
Lumabas din sa imbestigasyon na kumonsulta muna ng abogado si Reza bago isagawa ang tinatawag na “honor killing.”
Nabatid ng suspek na inilagay ng biktima sa kahihiyan ang buong pamilya makaraang sumama sa kasintahan. Nahanap ng pulisya si Romina pagkaraan ng limang araw na agad sinundo ng mga kaanak.
Sagot naman ng abogado, dahil siya ang ama ng dalagita ay hindi ito mapapatawan ng capital punishment pero posibleng makulong mula tatlo hanggang 10 taon.
Bunsod ng karumal-dumal na sinapit ng dalagita, ipinasa nitong Linggo ang panukalang magpaparusa sa sinumang masasangkot sa physical at emotional child abuse, pati na rin sa abandonment.
Sa ilalim ng bagong batas, kailangan ipagbigay-alam sa gobyerno at kinauukulan ang mga kaso ng child abuse at mapupunta sa social service protection ang biktima.