Tinatayang nasa 14 na milyong mag-aaral ang makikinabang sa expanded vaccination program para sa mga bata.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Education Usec. Nepomuceno Malaluan na dahil sa pagpapalawig ng bakunahanan sa pediatric sector, mababakunahan na ang lahat ng mga mag-aaral mula kinder hanggang grade 12.
Ayon kay Usec. Malaluan, tiwala sila na kapag nabakunahan na ang mga bata ay magtutuloy-tuloy na ang progressive face-to-face classes na una nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, para naman kay Education Usec. Malcolm Garma, kaparehong paraan din kung paano irerehistro ang mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang.
Kinakailangan lamang ng medical clearance mula sa attending physician ng bata, kasama rin dapat ang magulang o guardian at kinakailangang maipaliwanag ng tama sa bata ang bakuna.
Base sa abiso ng National Task Force Against COVID-19, sa Pebrero 4 aarangkada ang pagbabakuna sa mga batang edad 5 hanggang 11 taong gulang.