Ligtas nang nakababa ang 14 na hikers at 4 na tour guide sa Mt. Bulusan matapos magkaroon ng phreatic eruption ang bulkan kahapon ng umaga.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mark Timbal, ang grupo ay nasa loob ng danger zone ng bulkan nang maganap ang pagbuga ng usok at abo, pero ligtas silang nakarating sa bayan ng Barcelona.
Paliwanag ni Timbal, pinayagang makapasok ang grupo sa danger zone dahil bago nangyari ang phreatic eruption ay nasa alert Level Zero ang bulkan.
Ang bulkan ay may 4-kilometer permanent danger zone at extended 2-kilometer danger zone.
Ayon pa kay Timbal, may isang Sitio ng bayan ng Bulusan na nasa loob ng danger zone na mayroong 66 pamilya.
Pero batay aniya sa ulat ng mga lokal na awtoridad, hindi naapektohan ng phreatic eruptions ang mga residente at hindi rin nakaranas ng ash fall, katulad ng naranasan sa mga bayan ng Juban at Casiguran, Sorsogon.