14 na Kongresista, sumulat kay Speaker Cayetano para ituloy na ang pagdinig sa ABS-CBN franchise

Nagpadala na ng liham ang ilang Kongresista sa liderato ng Kamara para ipagpatuloy na ang pagdinig sa ABS-CBN franchise bills.

Sa isinumiteng liham kay House Speaker Alan Peter Cayetano na pirmado ng 14 na Kongresista, hinihikayat ng mga ito na pangunahan ng House Speaker ang pag-convene ng House Committee on Legislative Franchises para sa pagsasagawa ng pagdinig tungkol sa renewal ng prangkisa ng giant network.

Ayon kay Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, ang mga authors at co-authors ng franchise renewal bills ng ABS-CBN ay kapareho ng sentimyento at frustration ng Speaker matapos na hindi isyuhan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng provisional authority ang network na siyang unang ipinangako na ibibigay noong March 10, 2020 na pagdinig.


Naniniwala si Rodriguez na ang Kamara ang may pangunahing tungkulin at responsibilidad para tapusin na ang mga uncertainties at kalituhan na dulot ng pending renewal application ng Lopez-led company.

Samantala, iginiit din ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang agad na pagsasagawa ng pagdinig dahil tiyak na mabibigyan linaw lamang ang mga isyu na ibinabato sa network kung mauumpisahan na ng komite ang pagtalakay sa franchise renewal.

Aniya, maraming sektor ngayon ang nagsulputan na maraming pahayag kampi man o laban sa ABS-CBN ngunit tanging sa Kamara lamang ang proper venue para maiprisenta at mailatag ang lahat ng usapin sa broadcast network.

Facebook Comments