Ganap nang malaya mula sa panlilinlang ng kilusang komunista ang labing apat (14) na dating rebelde na una nang nagbalik loob sa gobyerno.
Ayon kay 2nd Infantry Division Captain Jaryald Ternio, isinagawa kahapon ang pormal na pagtanggap sa mga ito ng militar at pulisya sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna.
Aniya, ang mga sumuko ay kinilala lamang sa mga alyas na: Sony, Jay, Sixto, Onyok, Czar, Joni, Mundo, Lolo, Daniel, Laki, Ato, Itak, Tsix at Jhong.
Dalawa aniya sa mga ito ang pinuno ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng New People’s Army (NPA) habang mga miyembro naman nito ang nalalabing labing dalawa (12).
Ang mga sumukong rebelde ay pawang mga manggagawa sa Laguna Industrial Zone na nahikayat na sumapi sa kilusang komunista pero napilitang magbalik loob sa pamahalaan matapos mabigo sa kanilang ipinaglalaban.
Ayon naman kay Army’s 2nd Infantry Division Commander M/Gen. Marcelo Arnulfo Burgos Jr., inatasan na nito ang kaniyang mga tauhan na ipasok ang mga nagbalik loob na rebelde sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan para mabigyan ng ayuda at maisailalim sa profiling ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).