14 na search, rescue at retrieval teams, nai-deploy na ng AFP sa mga lugar na tinamaan ng lindol

Nagpadala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 14 na search, rescue and retrieval teams sa mga lugar na tinamaan ng lindol kahapon partikular sa Northern Luzon.

Ayon kay Col. Jorry Baclor, chief ng Public Affairs Office ng AFP, simula kahapon tumulong na ang 24th Infantry Battalion sa pag-evacuate ng mga pasyente sa ospital sa Bangued, Abra.

Ang 71IB naman ay nag-deploy ng personnel upang sagipin ang mga apektadong residente ng Vigan, Ilocos Sur.


Habang ang 54IB, 72nd Division Reconnaissance Company, 502nd Infantry Brigade, at Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxillary units ay tumulong sa road clearing, nagbigay ng transportation assistance at nagsagawa ng search and rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng Northern Luzon.

Samantala, inatasan na rin ang 525th Engineering and Construction Battalion ng Philippine Army; 505th Search and Rescue Group ng Philippine Air Force; at ang Naval Installation Command ng Philippine Navy na tumulong sa rescue efforts sa Northern Luzon.

Sa ngayon, tuloy-tuloy ang militar sa pagsasagawa ng search, rescue and retrieval operations habang ang ibang kawani ay tumutulong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng relief assistance sa mga apektado nating kababayan.

Facebook Comments