14 taong gulang na child soldier na nabuntis ng NPA commander sa Palawan, na-rescue ng Philippine Marines

Naligtas ng tropa ng Marine Battalion Landing Team-3 (MBLT-3) ng Philippine Marines ang isang 14 taong gulang na child soldier na binuntis ng kaniyang New People’s Army (NPA) commander.

Ang nagdadalang taong menor de edad ay kasama ng kaniyang 16 taong gulang na babaeng kapatid na child soldier din at isa pang NPA member nang sila ay maaresto sa Sitio Karatong, Brgy. Tinitian, Roxas, Palawan.

Ayon kay Col. Jimmy D. Larida, commander ng 3rd Marine Brigade, nakatanggap sila ng sumbong kaugnay sa recruitment at extortion activities ng NPA sa kanilang komunidad.


Sa pagresponde ng MBLT-3, nadiskubre nila ang kampo ng mga terorista at naabutan ang tatlong suspek na mahimbing na natutulog kaya mapayapang naisailalim sa kustodiya ang mga ito.

Narekober sa kanila ang isang M14 rifle, isang improvised shotgun, anti-personnel mine components, cellular phone, assorted ammunitions, at mga subersibong dokumento.

Sinabi ni Col. Larida na bagama’t masaya siya na walang nangyaring engkwentro at naligtas ang dalawang menor de edad, nakakalungkot isipin na hindi lang buhay ng mga kabataan ang sinisira ng NPA, kundi maging ang kanilang dignidad.

Facebook Comments