Mga opisyal ng pamahalaan, dapat nakatuon sa pag-secure ng COVID vaccine – VP Robredo

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa mga kapwa opisyal ng pamahalaan na mag-focus sa pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 sa halip na magbangayan at magtalo.

Ito ang pahayag ng Bise Presidente sa harap ng isyu sa pagitan nina Senator Panfilo Lacson, Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., Philippine Ambassador to the United States Jose Manual Romualdez at Health Secretary Francisco Duque III.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na wala siyang sinisisi dahil hindi naman niya alam ang buong istorya.


Pero narinig na niya mula kay Duque at kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na itinatanggi ng dalawa na nabigo ang pamahalaan sa procurement ng bakuna mula sa Pfizer.

Iginiit ni Robredo na kailangang may iisang boses ang pamahalaan dahil kung marami ang nagsasalita ay nakakadagdag lamang ito sa takot ng publiko.

Dapat aniya ipaalam sa publiko na mayroong access ang bansa sa bakuna.

Dagdag pa ni Robredo, may alinlangan din ang mga tao sa bisa ng Sinovac vaccine na makakaapekto sa pananaw ng mga tao na magpabakuna.

Ang Office of the Vice President (OVP) ay nagkaroon na ng mga pulong tungkol sa storage requirements ng mga bakuna, partikular sa Pfizer vaccines na nagnangailangan ng -17 degrees Celcius deep-freezer storage.

Facebook Comments