148-M doses ng COVID-19 vaccine, bibilhin ng gov’t ngayong taon

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senate Committee of the Whole ay sinabi nina Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na ngayong Pebrero na ang target na pagsisimula ng roll out ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Galvez, nasa estado na sila ng pagsasapinal ng order ng bakuna na bunga ng matagumpay nilang pakikipag-usap sa mga manufacturer ng COVID-19 vaccine.

Sabi ni Galvez, 148 million na doses ng bakuna ang target mabili ng gobyerno ngayong taon mula sa 7 pharmaceutical companies para mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino.


Kabilang aniya sa mga posibleng pagkunan ng bakuna ay ang Pfizer, Moderna, AstraZeneca, Sinopharm, Sinovac at Gamalea dahil mayroon na silang EUA o Emergency Use Authorization.

Binanggit ni Galvez na sa AstraZeneca ay nasa 20-30 milyong doses ng bakuna ang posible nating makuha.

Habang bibigyan naman tayo ng Serum Institute of India ng 30-milyong doses allocation sa July at sa katunayan ay lumagda na sila ng term sheet para rito.

Sinisikap din ng Pfizer na ibigay ang bakuna na kailangan natin habang malapit na rin matapos ang pakikipag-usap para sa COVID-19 vaccine ng Johnson and Johnson.

Sa kanyang presentation sa pagdinig ng Senado ay ipinakita ni Galvez na pangunahing prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang frontline health workers.

Kasunod nito ang mga mahihirap na senior citizen at ang nalalabi pang mahihirap na populasyon gayundin ang mga uniformed personnel na kinabibilangan ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU).

Ayon kay Galvez, ₱82.5 billion ang inilaan sa pagbili ng bakuna kung saan ang ₱70 billion ay mula sa foreign bilateral loans, ang 2.5 billion ay nakapaloob sa 2021 national budget at ang 10 billion ay pondong nasa ilalim ng Bayanihan 2.

Binigyang diin ni Galvez na sa Vaccination Program ng gobyerno, walang maiiwan at walang iwanan at mahigpit nilang susundin ang guidance mula kay Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay ligtas at epektibo ang libreng bakuna na ipagkakaloob sa mga Pilipino.

Facebook Comments