Cauayan City, Isabela- Tuluyan nang idineklara bilang “drug-cleared” ang 14 barangay sa Isabela habang provisionally cleared naman ang ginawang deklarasyon sa isang barangay.
Pinangunahan mismo ni PDEA Region 2 Director Joel Plaza, Assistant Director Cristy Silvan ang nasabing deklarasyon sa ilang barangay sa lalawigan na idinaos sa Balay Silangan Function Hall Ilagan Sports Complex Compound, City of Ilagan, Isabela.
Ilan sa mga idineklarang drug-cleared ang mga barangay ng Malalam, Rugao, San Isidro, Sta.Isabel Sur, Guinatan, Alinguigan 1st, Baligatan, at Fugu sa City of Ilagan; Baculod, Buyon at Duminit sa Cauayan City; District 2, Tallungan, at Nappacu Grande sa bayan ng Reina Mercedes habang sa Barangay District 3 sa bayan naman ng Gamu.
Kasama rin sa mga dumalo sa aktibidad ang ilang miyembro ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug Clearing (ROCBDC) mula sa mga ahensya ng gobyerno gaya ng DILG, DOH at mga kinatawan ng ilang LGU na napasama sa mga drug-cleared.
Hinimok naman ng PDEA ang publiko na makipagtulungan sa kinauukulan upang tuluyang masawata ang iligal na droga.