15 delikwenteng POGO, dapat isapubliko

Walang nakikitang dahilan si Senator Joel Villanueva kung bakit hindi dapat pangalanan ng Commission on Audit (COA) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang 15 Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nag-iwan ng P1.365 bilyong utang sa gobyerno sa license fees.

Diin ni Villanueva, hindi dapat pinapayagan ng gobyerno ang 15 POGO na ito na makaiwas na lamang sa pagbabayad ng utang lalo na sa panahon na kailangang-kailangan ng pondo sa mga pampublikong programa.

Ayon kay Villanueva, dapat ay makilala ng taumbayan ang mga delikwenteng POGO na nandadaya sa gobyerno, nagsara na at umalis na lang kahit may mga utang pa.


Ipinunto ni Villanueva na kung inilalathala sa diyaryo ang mga pangalan ng mga taong hindi nakakabayad ng amilyar, bakit hindi ito gawin sa mga foreign gambling operators na ang pagkukulang sa gobyerno ay di hamak na mas malaki.

Dismayado si Villanueva na hindi barya ang utang nila kung saan ang topnotcher ay P462 million ang atraso, ang second place ay P179.7 million ang utang at ang pangatlo ay P174 million ang tinakbuhang bayarin.

Giit ni Villanueva, dapat habulin ng PAGCOR ang mga POGO na ito kahit na pumunta pa sila sa Great Wall sa Norte.

Facebook Comments