
Arestado ang 15 hinihinalang sangkot sa iligal na droga sa pinaigting na operasyon ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) mula March 2 hanggang 8, 2026.
Sa ulat ng pulisya, nagsagawa ang mga awtoridad ng 13 anti-drug operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng 31.47 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱213,996.
Bukod dito, nagsagawa rin ng siyam na operasyon laban sa loose firearms kung saan apat na indibidwal ang naaresto at 70 baril ang naitala—kabilang ang tatlong nakumpiska, 52 kusang isinuko, 10 idineposito para sa safekeeping, at limang abandonado o narekober.
Sa kampanya laban sa mga wanted person, 27 indibidwal ang naaresto, kabilang ang tatlong most wanted persons.
Samantala, 10 katao ang nahuli sa apat na operasyon kontra illegal gambling kung saan nakumpiska ang ₱5,333 na perang ginamit sa pagsusugal. Nadakip din ang tatlong suspek sa illegal fishing, isang sangkot sa smuggling na may nakumpiskang mga produkto na nagkakahalaga ng ₱8,000, at isang suspek sa carnapping.
Nagbigay rin ang Pangasinan PNP ng security coverage sa 52 pambansa at lokal na aktibidad sa lalawigan sa tulong ng 684 pulis upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Ayon sa Pangasinan PPO, patuloy ang kanilang pinaigting na operasyon upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










