
Timbog ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang lalaking ilegal na nagbebenta ng endangered species na Green Iguanas sa Brgy. Alibagu, City Ilagan, Isabela kamakailan.
Ikinasa ng CIDG-Isabela, kasama ang City Environment and Natural Resources Office (CENRO)-Naguilian, Department of Environment and Natural Resources (DENR) Region 2 ang Oplan Kalikasan matapos makatanggap ng ulat ukol sa bentahan ng mga endangered na hayop.
Sa aktwal na operasyon, nahuli ang suspek na si “Brian” habang nag-aalok ng mga green iguanas kung saan labinlima ang nasabat mula sa suspek.
Walang naipakitang Certificate of Wildlife Registration o kaukulang permit ang suspek na isang malinaw na paglabag sa RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.
Agad namang itinurn-over sa CENRO ang mga iguana para sa tamang pangangalaga.









