15 kaso ng indiscriminate firing naitala ng PNP sa buong holiday season; apat dito, kinasasangkutan ng mga pulis

Sa tala ng Philippine National Police (PNP) mula December 16, 2025 hanggang January 1, 2026, umabot sa 15 ang kaso ng indiscriminate firing na naitala ng ahensya. Apat sa mga insidenteng ito ay kinasasangkutan ng mga pulis.

Batay sa ulat, tig-dalawang kaso ng indiscriminate firing ang naiulat sa Ilocos Sur at Iloilo, habang tig-iisa naman sa Isabela, Benguet, Manila, Surigao del Sur, Pampanga, Abra, Parañaque, Cagayan de Oro, Negros Occidental, Catanduanes, at Batangas.

Sa petsa ng mga insidente, anim na kaso ang naitala noong Pasko, tatlo noong Bagong Taon, dalawa noong December 22, at tig-iisa noong December 18, 19, 21, at 31.

Bunga ng mga insidente, 14 na indibidwal ang naaresto habang tatlo pa ang nananatiling at large o pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad.

Kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan ng mga pulis, naitala ng PNP ang sangkot na isang police master sergeant sa Surigao del Sur, isang police senior master sergeant sa Iloilo, at dalawang patrolman mula sa Parañaque City at Cagayan de Oro.

Tatlo sa mga pulis na sangkot ay naaresto na, habang ang patrolman mula sa Cagayan de Oro ay nananatili pang at large.

Matatandaang nagbigay ng mahigpit na babala si Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mahaharap sa kasong kriminal at administratibo, pati na sa posibleng pagkakatanggal sa serbisyo, ang sinumang PNP personnel na iresponsableng gagamit ng kanilang baril sa buong holiday season.

Facebook Comments