
Sa tala ng Philippine National Police (PNP) simula December 16, 2025 hanggang January 1, 2026, nasa 15 kaso na ng indiscriminate firing ang naitala ng ahensya kung saan ang 4 sa mga insidenteng ito ay kinabibilangan ng mga pulis.
Sa nasabing tala, dalawa ang naiulat na indiscriminate firing sa Ilocos Sur at Iloilo habang iisa naman sa lugar ng Isabela, Benguet, Manila, Surigao Del Sur, Pampanga, Abra, Paranaque, Cagayan De Oro, Negros Occidental , Catanduanes at Batangas.
Mapapansin sa ulat na anim na kaso ang naitalang nangyari noong Pasko, tatlo ng Bagong taon, dalawa noong Disyembre 22 at isa noong Dec. 18, 19, 21, at 31.
Kung saan nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 14 na indibidwal at tatlo na nananatiling ‘at large’ o pinaghahanap pa rin ng awtoridad.
Kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan ng mga kapulisan, isang police master sergeant sa Surigao del Sur, isang police senior master sergeant sa Iloilo, at dalawang patrolman mula sa Parañaque City at Cagayan de Oro ang naitala ng PNP patungkol sa indiscriminate firing.
Ang tatlo sa mga ito ay matagumpay nang naaresto habang ang isang patrolman mula sa Cagayan De Oro ay ‘at large’ pa rin.
Matatandaan na nagbigay ng babala si Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na mahaharap sa kasong kriminal at adminstratibo pati na rin ang pagkakatanggal sa serbisyo ang sinumang PNP personnel na iresponsableng gagamit ng kanilang mga baril sa buong pagdaos ng holiday season.










