Nagpositibo sa COVID-19 ang 15 empleyado ng maintenance provider ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 matapos ang halos tatlong linggong pagbabalik operasyon.
Ayon sa pamunuan ng MRT, isang empleyado ng Sumitomo-MHI-TESP ang confirmed positive nitong June 14 matapos makaranas ng sore throat.
Huli itong nag-report sa MRT-3 depot noong June 8.
Agad na nagsagawa ng contact tracing kung saan 32 depot personnel ang natukoy na nagkaroon ng contact sa nasabing empleyado.
Sumailalim ang 32 tauhan sa RT-PCR test kung saan 14 sa kanila ang nagpositibo sa virus pero lahat ay asymptomatic ang kaso.
Ayon kay MRT-3 Director Michael Capati, agad nang nagsagawa ang MRT-3 management ng disinfection procedures sa kanilang quality control office.
Maliban sa regular disinfection sa mga tren at istasyon, pinaigting na rin ang disinfection sa depot.
Magpapatupad ang MRT-3 ng karagdagang health at safety protocols para malimitahan ang contact sa pagitan ng depot personnel at station personnel.