Sinampahan ng Quezon City Police District (QCPD) ng kasong kriminal ang labing limang (15) miyembro ng QCPD District Force Mobile Battalion na natakasan ng mga naarestong Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) noong nakaraang linggo.
Ayon kay QCPD District Director Brigadier General Ronnie Montejo, nasa Quezon City Prosecutor’s Office na ang resulta ng kanilang imbestigasyon para sa pormal na pagsasampa ng kasong paglabag sa Revised Penal Code 224 o evasion resulting to negligence.
Inihahanda na rin nila ang kasong administratibo na may parusang pagkakatanggal sa serbisyo laban sa mga kapwa nila pulis.
Sinabi ni Montejo na hindi siya papayag na walang mananagot sa nasabing pangyayari lalo pa at mga tauhan niya ang nasasangkot sa insidente.
Matatandaang anim (6) na Chinese workers ng ilegal na POGO ang inaresto ng QCPD noong nakaraang linggo.
Habang ang mga ito ay nakakulong sa custodial center sa Kampo Karingal ay walang kahirap-hirap na natakasan ang mga nagbabantay na mga pulis.
Sa isang follow -up operations, agad naaresto ang anim na mga Chinese workers sa isang creek sa Mapagkumbaba Street, Brgy. Krus na Ligaw sa Quezon City.