Sa budget deliberations sa 2022 proposed budget ng Department of Transportation (DOTr) ay pinuna ng mga senador ang 15 oras na driving lesson na requirement ng Land Transportation Office (LTO) sa pagkuha ng driver’s license.
Diin ni Senator Grace Poe, na siyang nagdedepensa sa budget ng DOTR, hindi sa pagkuha ng driving course masusukat ang kakayahan sa pagmamaneho.
Sapat na para kay Senator Poe ang pagkuha o pagpasa sa written exam at practical driving test ng LTO ng walang daya at walang panunuhol.
Giit pa ni Poe, wala rin sa batas ang 15-hour theoretical driving course para sa pagkuha ng driver’s license.
Katwiran naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, hindi na kailangan ang 15-hourse driving course lalo na kung matagal nang nagmamaneho.
Dagdag pa ni Recto, ang pag-obliga sa pagkuha ng driving course ay dagdag pa sa red tape o pagpapatagal sa proseso ng pagkuha ng driver’s license.
Sabi naman ni Senate President Tito Sotto III, para madetermina kung marunong magmaneho ay sapat na ang 15 minutong driving test sa halip na 15 oras na driving course.