Kinumpirma ng Philippine Airlines (PAL) na 15 pasahero ang hindi nila pinasakay matapos magpresinta sa check-in counters ng pekeng COVID-19 test results.
Ayon kay PAL Spokesperson Cielo Villaluna, ang naturang mga pasahero ay patungo sana ng Cotabato, Dipolog at Zamboanga.
Ilan sa kanila ay nai-turn over na sa PNP at nai-inquest na habang ang iba ay naka-isolate habang naghihintay ng resulta ng kanilang tunay na swab test result.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong Falsification of Public Documents at paglabag sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Kapag napatunayang guilty, sila ay maaaring pagmultahin ng hanggang P50,000 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan.
Nagbabala naman ang PAL sa mga pasaherong sasakay ng eroplano na iwasang magsumite ng pekeng COVID test result para hindi sila maabala sa biyahe at maharap sa asunto.