Manila, Philippines – Irerekomenda na ng PNP Internal Affairs Service kay PNP Chief Ronald Dela Rosa ang pagsibak sa serbisyo sa mga pulis na iligal na nagsagawa ng pagsalakay sa bahay ng isang Gina Erobas sa Barrio Sta. Rita Brgy. 188 Tala Caloocan City noong September 7, 2017.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Traimbulo, ngayong araw o di kaya bukas ay isusumite nya na ang rekomendasyong pagsibak sa serbisyo ng labing limang pulis.
Ito ay matapos na mapatunayan sa kanilang isinagawang imbestigasyon na lumabag sa ipinatutupad na police operational procedure ang mga pulis na ito.
Ang mga pulis na irerekomendang sibakin sa serbisyo ay sina Chief Inspector Timothy Aniway Jr., ang commander of the Police Community Precinct 4, Senior Inspector Warren Tano Peralta, PO1 Ariel Furlo, PO1 Marvin Poblete, PO1 Sherwin Rivera, PO1 Jay Gabata, PO1 Sampang Sampurna II, PO1 Rene Llanto, PO1 Louie Serrano, PO1 Jaypee Talay, PO1 Ronelio Julaton, PO1 Jay-ar Sabangan, PO1 Jaime Natividad, PO1 Michael Angelo Miguel at PO1 Joey Leaban.
Matatandaang sa ginawang pagsalakay ng mga pulis na ito noong sept 7 na nakuhaan ng video, may kasama silang dalawang sibilyan na sapilitang pumasok sa bahay ni Gina Erobas nang walang dalang search warrant at hindi pa nakasuot ng uniporme,
Kinuha ng mga ito ang ilang mamamahaling relo, cellphone, at cash na nagkakahalaga ng anim na libong piso.