
Lumagda sa isang resolusyon ang 15 senador na naghahayag ng “sense of the Senate” at pagkundena sa mga pahayag ng Chinese Embassy laban sa mga opisyal ng bansa na ipinagtatanggol lamang ang ating soberenya at maritime rights partikular sa West Philippine Sea.
Nakapirma rito sina Senate President Tito Sotto III, Senate President pro-tempore Ping Lacson, Senators Kiko Pangilinan, Migz Zubiri, Erwin Tulfo, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, Win Gatchalian, Loren Legarda, JV Ejercito, Bam Aquino, Lito Lapid, Mark Villar, Camille Villar at isa mula sa minorya na si Senator Jinggoy Estrada.
Nakasaad sa resolusyon na ang mga paninita at pagtuligsa sa pahayag ng mga kasalukuyang myembro ng Kongreso at sa mga uniformed personnel ay kagagawan ng opisyal mula sa embahada ng China dito sa Pilipinas na taliwas sa inaasahang diplomatikong pakikipag-ugnayan at kontra rin sa prinsipyo ng “mutual respect” at “non-interference”.
Hinihimok sa resolusyon na i-kundena ang mga pahayag ng Chinese Embassy at igiit ang karapatan sa soberenya at igiit ang ating posisyon at pambansang interes sa ating teritoryo.
Nanawagan din ang mga senador sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gumawa ng mga hakbang o diplomatic measures para itaguyod ang dignidad ng Pilipinas at tiyakin na ang relasyon sa ibang estado ay ginagawa alinsunod sa international law at sa prinsipyo ng state relations.
Kaugnay dito ay pumalag si Senator Risa Hontiveros sa pagpuna sa kanya ng Chinese Embassy na “political theater” at hindi adbokasiya ang kanyang ginagawa sa tuwing binabanatan nito ang China.
Sa privilege speech ng senadora, binigyang-diin niya na nasa Pilipinas tayo at wala sa China, at walang sinumang dayuhan ang may karapatang patahimikin ang mga Pilipino na nasa loob ng bansa.










