15 Talampakang Haba ng Pilot Whale, Sumadsad sa Dalampasigan ng Calayan, Cagayan

Cauayan City, Isabela- Sumadsad sa dalampasigan ng Camiguin Island sa Calayan, Cagayan ang isang butanding na maswerteng na-rescue ng mga kasapi ng Calayan Maritime Precinct, Regional Maritime Police, Eastern Cagayan Maritime Precinct kasama ang Philippine Coast Guard at kalauna’y pinakawalan rin sa karagatan.

Ayon sa Municipal Agriculture Office ng Calayan, napag-alaman na ang marine mammal ay isang uri ng pilot whale na may scientific name na Globicephala macrorhynchus o mas kilala na Pakatan-Ambuhatan na tinatayang nasa labinlimang talampakan ang haba at dalawang talampakan naman ang lapad.

Ayon naman sa mga rumespondeng pulis, hindi naman nagpakita ng pagiging bayolente ang nasabing marine mammal at kalauna’y ligtas na naibalik ng mga otoridad sa karagatan ang butanding.


Samantala, ayon naman kay PCol. Ricardo Villanueva, hepe ng Regional Maritime Group, maaaring maparusahan ang sinumang magtatangkang manakit o gumawa ng anumang hakbang labag sa paghuli dito.

Posibleng patawan ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong ang mahuhuling gagawa ng hindi maganda sa ganitong uri ng mammal.

Panawagan naman nito sa publiko na huwag tangkaing gawan ng masama ang false killer whale na kabilang sa endangered species.

Kinakailangang mapangalagaan at hindi saktan sakaling makakita ng mga ganitong uri ng whale sa mga dalampasigan.

Facebook Comments