
Nagpalabas ng 30 araw na preventive suspension order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB sa 15 unit ng Dagupan Bus Company.
Ito ay matapos na masangkot sa aksidente kahapon sa SCTEX ang isa nilang unit na Pangasinan Solid North Transit na ikinasawi ng sampung indibidwal at ikinasugat ng marami.
Sa kautusan ng LTFRB, nabatid ng board sa inisyal na report mula sa Tarlac Police Provincial Office na ang pagkabangga ay kagagawan ng Solid North Bus (VEH5) na bigong tumigil kaya’t sumalpok sa apat na iba pang sasakyan sa lane 2 ng expressway na naging dahilan sa pagkasalpok kung saan isinugod sa Tarlac Provincial Hospital ang mga biktima.
Inatasan ng LTFRB ang bus operator na mag-comly ng 30 araw na suspensyon.
Sasailalim din sa road safety seminar ang lahat ng mga apektadong driver at magsasagawa ng compulsory drug testing sa lahat ng mga driver and conductor ng mga suspendidong unit.
Isasailalim din ng LTO sa roadworthiness inspection ang lahat ng suspended buses.
Kailangan ding magsumite ng video documentation ng roadworthiness inspection, road safety seminar, and drug testing at panghuli, magbigay ng katibayan ng insurance payouts para matiyak na lahat ng mga biktima ay nakatanggap ng kumpensasyon.
Giit ng LTFRB na lahat ng mga operator ay inatasan na i-surrender kaagad lahat ng plaka ng mga suspended unit sa LTFRB Legal Division.
Inatasan ang LTO, MMDA, at PNP-HPG na hulihin at i-impound ang sinumang tumatakbong suspendidong units.









