Inanunsyo ng Department of Agrarian Reform o DAR na may kabuuang 150 development facilitators ng ahensiya ang dumalo sa limang araw na pagsasanay sa Enterprise-based Agrarian Reform Community Organizing and Development (E-ARCOD) para mapabuti ang antas ng pag-unlad ng agrarian reform beneficiaries (ARBs), ARB organizations (ARBOs) at agrarian reform communities (ARCs) sa Eastern Visayas.
Ayon kay Agrarian Secretary Conrado Estrella III na patuloy na tataas ang bilang ng mga ARBO na nabuo at inorganisa dahil isa ito sa mga mandato ng ahensya na makipag-ugnayan sa mga organisasyon at mabigyan sila ng angkop at kinakailangang suportang serbisyo upang matiyak ang mas magandang kalidad ng kanilang buhay.
Paliwanag naman ni Ismael Aya-ay, Eastern Visayas Assistant Regional Director, na ang nasabing mga Development Facilatators ay binigyan ng pagsasanay sa mga social entrepreneurial skills upang mapahusay ang kakayahan ng mga opisyal at miyembro ng ARBO na maging epektibo at mahusay na mapamahalaan ang kani-kanilang organisasyon.
Paliwanag ni Aya-ay na ang E-ARCOD ay karaniwang tumatalakay ng pag-unlad sa kanayunan, pag-oorganisa ng komunidad, at mga extension services na sumasaklaw sa mga iba’t ibang yugto ng pagsasaka ng ARB mula sa produksyon hanggang sa marketing.