150 million US dollars, inisyal na kita ng Pilipinas sa pag-export ng durian sa China

Inaasahang aabot sa 150 million US dollars o P8.2 billion ang unang kikitain ng Pilipinas sa export nito ng durian patungong China ngayong 2023, na magsisimula sa Marso.

Sa Laging Handa briefing ay sinabi ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na tinatayang 50, 000 metrikong tonelada ang inisyal na ie-expot ng Pilipinas sa China.

Ayon kay Panganiban, nakadepende rin ito sa magandang produksyon ng bansa, at sa ating pagsunod sa requirement na itatakda ng Chinese government.


Binanggit ni Panganiban na karamihan sa produksyon ng durian ay magmumula sa Davao region.

Sabi ni Panganiban, sa ngayon ay nasa 59 na ang registered farms, limang lisensyadong packing facility, at limang lisensyadong exporters ang na-endorso ng pamahalaan sa China hinggil dito.

Dagdag pa ni Panganiban, inaasahan din na makapagbibigay ito ng 10,000 trabaho sa mga Pilipino tulad sa panig ng growers and exporters gayundin sa areas ng packaging, logistics at iba pang proseso ng pag-export.

Bukod sa China, nakalinya na rin sa mararating ng ating durian ang Hong Kong, Japan, Malaysia, Saudi Arabia, Singapore, Thailand, United Arab Emirates at Vietnam.

Facebook Comments