Matapos mapurnada nang makailang beses, inanunsyo ni COVID-19 Policy Chief Implementer and Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na mag-uumpisa na ang World Health Organization (WHO) solidarity trial sa bansa ngayong buwan.
Ayon kay Galvez, Oktubre ng nakalipas na taon sana ang nakatakdang pag-uumpisa ng solidarity trial sa bansa pero ito ay naunsyame ng dalawang beses dahil na rin sa nagiging maingat sa proseso.
Sinabi pa nito na 15,000 volunteer mula sa Metro Manila ang inaasahang lalahok sa naturang trial ng bakuna kontra COVID-19.
Samantala, sa panig naman ng independent clinical trials, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na posibleng mag-umpisa na ito sa susunod na linggo.
Ito ay makaraang aprubahan ng FDA ang pagsasagawa ng phase 3 ng clinical trial ng Janssen Pharmaceuticals Company na Johnson and Johnson.
Habang may iilang dokumento na lamang ang hinihintay ng ahensya sa clinical trial applications ng Chinese companies na Sinovac at Clover Biopharmaceutical bago aprubahan ang pagsasagawa rin ng clinical trial sa bansa.