Maraming bilang ng mga PUV operators at drivers ang humabol ngayong huling araw ng franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na as of 2:00 pm nakapag-consolidate na para sa PUVMP ang nasa 150,179 units ng public utility jeepney sa buong bansa, ito ay katumbas ng halos 79% ng national percentage .
Kumpiyansa si Guadiz na aabot ito hanggang 82% bago matapos ang deadline.
Sinabi ni Guadiz na ang mga humabol ay ang mga tinawag niyang mga Doubting Thomas o yaong mga umaasang muling palalawigin ang deadline o makakakuha ng TRO mula sa Supreme Court.
Pero, dahil walang dumating na TRO kaya nagkukumahog ang mga ito na magpa-consolidate.
Paliwanag ni Guadiz, na bukas May 1, mawawalan na ng prangkisa ang mga di sumama sa PUVMP at ituturing na silang colorum.
Wala pa naman aniyang mangyayaring hulihan bukas pero, padadalhan nila ng notice o show cause order ang mga ‘di nag-comply kung bakit ‘di sila dapat tanggalan ng prangkisa.
Ang atas ni Guadiz sa mga regional offices ng ahensya, manatiling bukas hanggang mamayang alas-diyes ng gabi para tumanggap ng consolidation application.