16-anyos na estudyante, patay sa saksak dahil umano sa utang

13253

BACOLOD CITY – Nasawi ang isang Grade 11 student matapos umanong saksakin ng isang lalaki dahil umano sa hindi pagbabayad ng utang.

Ayon sa pulisya, naglalakad sa labas ng paaralan ang 16-anyos na estudyante nang atakihin ng suspek pasado alas-11:30 ng umaga nitong Miyerkoles.


Kinilala ang salarin na si Ray Jan Carmelotes, 27, residente ng Purok A.C. Yulo sa Barangay Sum-ag.

Naisugod pa sa South Bacolod General Hospital ang biktima pero namatay din kinaulanan bunsod ng mga tinamong saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Kaagad naman naaresto ng awtoridad si Carmelotes at narekober ang kutsilyong ginamit sa krimen.

Depensa ng nasasakdal, may utang raw ang mag-aaral sa kaniyang kapatid at ayaw magbayad kaya daw siya gumanti.

Samantala, napag-alaman ng otoridad na nahaharap sa kasong illegal gambling at paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

Kinasuhan ng murder ang salarin at nakakulong ngayon sa Bacolod City Police Station 9.

Facebook Comments