MOSCOW, Russia – Sa kalagitnaan ng pagwa-warm-up ay tinamaan ng kidlat ang isang 16-anyos na football player sa Russia.
Sa ulat ng Reuters, nasa ensayo noong Hulyo 4 ang isang youth team na FC Znamya Truda sa stadium sa labas ng Moscow nang biglang may tumamang kidlat.
Hindi nakaligtas ang goalkeeper na si Ivan Zaborovsky na direktang tinamaan at natumba.
Agad na sumaklolo ang coach na si Anton Basov sa kawawang binatilyo na noo’y walang malay at nasunog ang suot na damit.
Matapos magsagawa ng first aid, isinugod nito ang manlalaro sa ospital na nauwi sa induced coma.
Ngunit matapos ang tatlong linggo, muling nakabalik sa paglalaro si Zaborovsky habang may suot na chain dahil sa tinamong sunog sa kanyang dibdib.
Aniya, bukod sa nahirapan siyang huminga ay wala na raw siyang ibang maalala nang mangyari ang insidente.
At nito lamang Martes ay tuloy sa pagsali sa isang kompetisyon kasama ng kanyang senior team ang binatilyo.