16 anyos na lalaking Dumayo sa San Mariano, Isabela, Timbog sa Pagpa-pot session

46

*San Mariano, Isabela- *Arestado kagabi ang isang menor de edad matapos maaktuhang bumabatak ng marijuana sa brgy Zone 3, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Fedimer Quitives, hepe ng PNP San Mariano, Isabela, nakatanggap ang kanilang himpilan ng sumbong mula sa isang concerned citizen kaugnay sa umano’y pagpa-pot session ng dalawang kalalakihan sa tabing ilog ng nasabing barangay.

Agad namang rumesponde ang mga pulis at dito naaresto ang 16 anyos na binata, out of school youth at residente ng brgy Paddad, Alicia, Isabela habang nakatakas naman ang isa pa nitong kasama.

Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang isang stick ng sigarilyo na naglalaman ng mga tuyong dahon ng marijuana, mga dahon ng marijuana na ipinatong sa papel at limang stick ng sigarilyo.

Nasa kustodiya na ng PNP San Mariano ang nahuli na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments