Nakumpiska ng Police Regional Office 1 ang kabuuang 16 na baril sa isinagawang sunod-sunod na operasyon laban sa loose firearms mula December 4 hanggang 10, 2025 sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Batay sa tala, dalawang baril ang nasamsam sa magkahiwalay na operasyon, isa ang narekober, pitong baril ang boluntaryong isinuko, habang anim naman ang idiniposito sa mga awtoridad para sa safekeeping sa loob ng nasabing panahon.
Isinagawa ang mga hakbang bilang bahagi ng pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na pagmamay-ari at pag-iingat ng mga baril, na itinuturing na banta sa kaligtasan ng publiko.
Patuloy namang hinihikayat ang mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng boluntaryong pagsuko ng mga baril at pag-uulat ng mga insidenteng may kaugnayan sa iligal na paggamit o pag-iingat ng armas.








